Kumalat kamakailan ang bidyo mula sa Pinoy Big Brother: Teen Edition kung saan ang mga kalahok ay may paligsahan ukol sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang ilan sa mga tanong ay itinuro na sa elementarya pa lamang at binigyan pa sila ng mga clue para sa sagot, kung kaya’t maraming Pilipino ang nagkaroon ng iba’t ibang emosyon nang kanilang mapanood na halos hindi makuha ng mga kalahok ang mga tanong; mayroong natawa, nalungkot, nabahala at nainis. Marami ang naintriga nang tawaging MaJoHa ng isang kalahok ang tatlong paring martir ng bansa o ang GomBurZa na binubuo ng mga paring sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora . Para sa isang henerasyong abot-kamay ang impormasyon sa tulong ng mga libro at ng Internet, nakadidismaya nga naman ang kanilang kakulangan sa kaalaman tungkol sa kasaysayan ng bansa.
Bilang Pilipino, inaasahang alalahanin, alamin, at ipagdiwang natin ang ating kasaysayan sapagkat ito ay ating kultura. Hindi man kinakailangan na memoryahin ang bawat petsa at lugar ng mga labang naganap noon, sana man lang ay panatilihin ang alaala ng mga bayani ng ating bansa tulad ni Melchora Aquino at ng GomBurZa. Ang pinakamaliit na bagay na kayang gawin ng isang mamamayan ay kilalanin kung sino sila at ano ang kanilang mga naiambag para sa kalayaan ng ating lupang sinilangan.
Hindi maitatangging malakas pa rin ang impluwensiya ng mga dayuhan sa mga Pilipino bagamat malaya na tayo mula sa kanilang pananakop. Karamihan sa mga kabataan ay mga KPop fan o may western mind na labis na nagugustuhan ang kultura ng ibang bansa. Bagamat ayos lang na mamangha sa pagkakakilanlan ng ibang mga nasyon, sana ay hindi natin makalimutang mahalin at pagyamanin ang sariling atin. Napakadami ring mga kaakit-akit na sariling gawi sa Pilipinas na mayroong kaakibat na aral na matututunan at naghihintay lamang na matuklasan ng mas marami pang mga Pilipino.
Ang social media ay kabilang na sa araw-araw na pamumuhay ng bawat isa. Ayon sa Statistica, mayroong 81.53 milyon na Pilipino ang gumagamit ng social media sites tulad ng Twitter, Instagram, at Facebook. Pwedeng-pwede itong gamitin bilang isang paraan upang magbigay impormasyon sa kapwa tungkol sa nakaraan o sa kasalukuyan ng Pilipinas. Dahil 98% ng Gen Z o mga kabataan na ipinanganak noong 1997 hanggang 2012 ay gumagamit ng mga nasabing plataporma, mas mataas ang tyansa na kanila itong mababasa.
Ika nga ng ating pambansang bayani na si Gat. Jose P. Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Dapat na gamitin ng Kagawaran ng Edukasyon ang insidenteng ito sa PBB upang buhayin ang puso ng kabataan na mahalin ang kasaysayan ng Pilipinas. Nang tinanggal ng DepEd noong 2014 ang kasaysayan mula sa kurikulum ng mataas na paaralan mula baitang 7 hanggang 10, hindi na masyadong natalakay ang kasaysayan ng ating bansa. Dahil dito, ang mag-aaral ay nagkakaroon ng impresyon na hindi kasing-halaga ng ibang paksa tulad ng ekonomiks ang nakaraan ng ating sariling bayan.
Ang kasaysayan ng Pilipinas ay hindi lamang isang katatawanan na pwedeng ipagsawalang-bahala. Naway matapos mapanood ang kontrobersyal na bidyo mula sa PBB ay magising ang mga Pilipino na mahalagang aralin jnsfinisd nakalipas upang hindi na ito maulit pa. Kailangan na nating gumalaw at kumilos upang mapigilan ang patuloy na kawalan ng pagpapahalaga ng henerasyong ito sa nakaraan ng bansang kanilang kinalakihan.
Walang mawawala kung susubukan ng isa na magsaliksik tungkol sa kasaysayan ng kaniyang bansa. Nararapat na ibalik ang interes ng kabataan para hindi mawalan ng saysay ang pinaghirapan ng mga bayaning nagbuwis ng kanilang dugo, pawis at luha. Bilang isang responsableng Pilipino, nararapat lamang na magbigay ng respeto sa mga bayani na nakipaglaban para sa kalayaang tinatamasa ngayon.