Bukod sa pasko at piyesta, alam mo ba na may isang panahon kung saan ang bawat lungsod sa Pilipinas ay punong-puno ng mga palamuti? Mula sa mga tarpaulin na halos punuin ang bawat pader, flaglets na kasing haba ng kable ng mga kuryente, posters na nagsisiliparan sa gilid ng kalsada at leaflets na mas madami pa kaysa sa tuyong dahon na nawawalis tuwing umaga. Mga palamuting kalat na masasaksihan mo lamang sa tuwing sasapit ang panahon ng pangangampanya.
Ilan sa mga pangunahing ginagamit na materyales ng mga tumatakbong kandidato upang mahuli ang puso ng publiko ay ang mga tarpaulin, flaglets, posters at leaflets. Kalakip nito ang kanilang plataporma, pangalan pati na rin numero sa balota. Ngunit sa patuloy na pagpaparami ng mga kagamitang ito upang mapalawak ang suporta, tila ba mas lalo lang nitong pinapalala ang basurang ating iniinda.
Sa inilabas na pahayag ng EcoWaste Coalition, ang mga plastic tarpaulin na ipinapaskil sa gilid-gilid ay nagtataglay ng cadmium, isang uri ng toxic na kemikal at kabilang sa inilista ng World Health Organization (WHO) sa ‘ten chemicals of major public health concern.’
Batay sa isinagawang pananaliksik ng SGS, isang global testing company, ang mga multicolored coatings sa mga tarpaulin ng mga kumakandidato sa pagkapangulo ay naglalaman ng cadmium na mayroong 607 to 775 parts per million, habang ang mga white sheets naman ay mayroong 384 to 546 parts per million.
Lampas sa itinakda ng European Union Laws at WHO na 100 ppm lamang ang dapat taglayin na cadmium ng isang plastic.
Binigyang diin naman ni EcoWaste Coalition’s Chemical Safety Campaigner Thony Dizon ang kapahamakang dulot ng mga plastic tarpaulin. “It’s not a simple solid waste issue as these popular campaign materials are laden with toxic chemicals such as cadmium that may negatively impact on our people’s health and the environment,” aniya.
Kamakailan lamang ay naglabas ng babala ang WHO sa publiko patungkol sa cadmium, na itunuturing bilang human carcinogen, kung saan maaari itong magdala ng masamang epekto sa renal, skeletal at respiratory system ng isang indibidwal sa oras na siya ay maexpose sa kemikal.
Noong 2019, isa sa mga kinaharap na suliranin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay ang paglilinis sa mga campaign materials matapos ang araw ng eleksyon. Umabot sa 168.74 toneladang mga kalat ang naitala ng MMDA simula nang magsagawa sila ng “Oplan Baklas” mula Mayo 1 hanggang Mayo 16.
Samantalang noong 2016 naman ay umabot sa 206.61 toneladang campaign materials ang nakolekta ng MMDA sa buong panahon ng eleksyon.
Upang maibsan ang tambak na mga materyales, ibinida naman ng EcoWaste ang ilang pwedeng paggamitan ng mga tarpaulin tulad ng shopping bags, phone cases, at shoe bags. Habang ang mga posters at leaflets naman ay maaaring gamitin bilang folders, envelopes o ibang kagamitan na mapapakinabangan sa paaralan.
Ngayong panahon ng eleksyon, tuluyan na sana nating putulin ang kakambal nitong tambak na basura at palitan ng disiplina. Katulad ng pagbabagong ating hiling para sa bansa, nawa ay maisaayos na rin ang sistema ng pangangampanya para sa kapaligiran.
Sapagkat kung ipagpapatuloy lamang natin ang pagsasawalang bahala sa mga palamuting kalat, maaari itong lumaki at palalain ang mga problemang ating iniinda. Walang halaga ang halalan kung tuluyan nang nasira ang kalikasan.