Team Philippines, handang sumabak sa 31st SEA Games
Dwyne Mackenzie A. Tatel
Ipinahayag na may kumpiyansa ni Commissioner Ramon Fernandez ng Philippine Sports Commission ang paghahanda ng mga Pinoy athletes para sa papalapit na 31st Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin sa Hanoi, Vietnam sa susunod na buwan sa kabila ng mga limitasyon sa pagsasanay na dulot ng COVID-19.
Ang dating propesyunal na basketball star na si Ramon Fernandez ay inatasan na pangasiwaan ang paghahanda at partisipasyon ng Team Philippines sa Vietnam, kung saan ang mga atletang Pinoy ay nagsusumikap na mapanatili ang kanilang pangkalahatang titulo o puwesto sa podium.
“All our athletes are ready (for the SEA Games), they are in the thick of their preparation... All the other aspects have been taken care of except for the booking (of flights),” sinambit ni Fernandez sa lingguhang online session ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.
Ibinahagi rin ni Fernandez noong Martes, Abril 5, na ginawa ng mga atleta ang kanilang makakaya upang maihanda ang kanilang mga sarili para sa SEA Games na itinakda sa darating na Mayo 12 hanggang 23 sa Hanoi, Vietnam.
"I’m relying on our podium finishers of (the) 2019 (SEA Games) to deliver. Most of them are playing. And I’m hoping that all of them will retain their titles. I’m also hoping that those who won silver and bronze medals will improve their performance,” dagdag ni Fernandez.
Sa kabila ng kasalukuyang pandemya, ipinagbigay-alam ni Fernandez na karamihan sa 646 na atleta mula sa 39 na isports ay nagsasanay nang ilang buwan upang ibigay ang kanilang buong potensyal para sa naturang kaganapang pang-palakasan.
Ayon kay Fernandez, bahagi ng kanyang pagiging chef de mission (CDM) ng Team Philippines sa 31st SEA Games ay matiyak na ang lahat ng mga pangangailangan ng mga atleta ay maisasaayos, kabilang na ang pag-alis papunta sa Vietnam at ang pagbabalik ng mga atleta pauwi sa Pilipinas.
Binigyan-diin din ni Fernandez na ang kanyang mga atleta ay nagsumikap nang husto upang makarating sa puntong ito. Pinayuhan niya sila na palaging isipin na nasa likod nila ang suporta at paghihikayat ng buong bansa. Huwag dapat nilang ilagay ang kanilang sarili sa anumang presyon, gawin lang nila ang kanilang makakaya at maniwala sa kanilang sarili.