Korapsyon sa Eleksyon

Korapsyon sa Eleksyon

Ni: Marie Pauleen Adriella S. Alday

Ngayong nalalapit na ang eleksyon, laganap ang iba’t ibang uri ng pangangampanya mula sa mga kandidato. Campaign rallies, house-to-house campaign, at social media at TV ads — iilan lamang ‘yan sa mga estratehiyang ginagamit ng mga naghahangad maging pulitiko. Hindi mawawala sa mga ito ang tinatawag na vote buying na ayon sa Omnibus Election Code, ay ang pangangako ng salapi o anumang bagay na mayroong halaga kapalit ng pagboto o hindi pagboto sa isang kandidato. Paniguradong hindi ito maiiwasan kaya’t nararapat lamang na ito’y aksyunan at pagbawalan ng gobyerno.

Isang pamamaraan ng pandaraya at korapsyon ang vote buying sapagkat tila sinusuhol na ang botante upang maimpluwensiyahan ang sino mang nais niyang iboto. Halimbawa, kamakailan lamang ay inireklamong nagsasagawa ng vote buying sa Quezon City si Rose Nono Lin na tumatakbo para sa kongreso. Ayon sa Koalisyong Novalenyo Kontra Korapsyon at Alyansa ng mga Mamamayan ng Bagbag, ang naganap na vote buying ay isinagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda at scholarship sa mga mamamayan.

Sa pamamagitan ng mga ayuda, maaaring makalusot at mabigyang-katwiran ang isang insidente ng vote buying. Kung kaya’t isa itong pananamantala sa mga indibidwal na mas nangangailangan sa buhay. Ang mga ganitong uri ng pulitiko ay hindi tapat sa kanilang tungkulin na maglingkod sa bayan, sapagkat naaatim nilang gumawa ng hindi tama para sa makakuha isang posisyon at kapangyarihan.

Ayon kay Philippine National Police Chief Police General Dionardo Carlos, kanilang aaksyunan ang mga kaso ng vote buying sa iba’t ibang lugar. Isa ang PNP sa mga ahensiyang bumubuo sa Task Force Kontra Bigay na inorganisa ng Commission on Elections upang labanan ang iba’t ibang kaso ng vote buying sa buong bansa.

Bali-baliktarin man ang mundo, ni minsan ay hindi maituturing na legal ang vote buying sapagkat nakaugat ito sa pandaraya. Hindi na naisaalang-alang ng botante ang kanyang mga prinsipyo’t pamantayan sa pagpili ng isang nararapat na kandidato sa oras na tanggapin niya ang luhong kapalit ng pagboto sa pulitikong iyon.

Hindi sapat na gobyerno lamang ang magbibigay aksyon laban sa pandarayang naidudulot ng vote buying dahil kailangan ding magtulungan ang bawat mamamayan upang hindi sila mabiktima nito. Kinakailangang maging maalam ang bawat botante ukol sa mga ginagamit ng mga kandidato para mabili ang kanilang boto katulad ng pagbibigay ng lisensya, trabaho, at permit bukod sa pera.

Dapat ring kilatisin ng mga botante ang mga kandidatong kanilang iboboto. Alamin ang kanilang bawat impormasyon, at mag-fact-check ng kanilang mga nagawa sa bayang kanilang pinaglilingkuran. Siguraduhin na ang pinagmulan ng impormasyon ay mapagkakatiwalaan at hindi lamang mula sa sabi-sabi ng iba.

Tandaan na ang matalinong pagboto ay magbubunga sa isang eleksyong tapat at matagumpay. Kaakibat ng matalinong pagboto ay ang mga prinsipyo, moralidad, at mga pagpapahalagang nais maibahagi hanggang sa susunod na henerasyon. Mukha mang madali gawin ang matalinong pagboboto, ito ay isang hamon sa panahon ngayon kung saan marami pa ring naniniwala sa mga kumakalat na maling impormasyon o fake news sa paligid.

Gayunpaman, ang mga botante ay hindi maaapektuhan nito kung mas pinaiiral nila ang mga prinsipyo’t pagpapahalaga na kanilang pinaniniwalaan. Sa ganitong pamamaraan, ang pandarayang vote buying ay maiiwasan at ang mga korap na pulitiko’y matatanggal sa pamahalaan.