Sa Pagbabalik ng Eskwela't Kwela

Sa Pagbabalik ng Eskwela't Kwela

ni: Rafael Quilling III

“After grade 10, things won’t ever be the same again… Sulitin na natin habang kaya pa… Let’s have fun, (and) let’s enjoy. Kasi paglaki natin, we won’t have as much time for that as we do now.”

Nananatili pa rin ang NCR sa Alert level 1 mula sa Mayo 1 hanggang Mayo 15, 2022 ayon sa IATF kaya sinamantala na ng mga paaralan ang pagbalik ng Face-to-Face classes kahit na limitado pa lang ang kapasidad at hindi pa kailangang sumama ng lahat ng mag-aaral dito.

Noong pumasa ang 22 paaralan ng Las Pinas ayon sa Memo ng Deped noong Marso 2022, nakabilang dito ang Mataas na Paaralang Pang Agham ng Las Pinas (LPSCI). Mababasa ritong nakasunod sila sa Deped-DOH Joint Memorandum Circular No. 1, s. 2021 at Deped office order No. OO-OSEC-2022-003 at maaari nang magsimula ng Face-to-Face sa Marso 21, 2022. Mula sa araw na iyon, nagtuloy-tuloy ang ganoong setup kahit na konti pa lang ang tumanggap ng hamon ng Face-to-Face kaya nagpanayam ako noong Abril 30, 2022 ng mga mag-aaral mula sa Ika-10 baitang na bahagi rito para makuha natin ang kanilang saloobin at karanasan sa paksang ito at maghimok pa ng mga mag-aaral na matuto kasama sila.

Ang Kalakaran sa Klaseng Kagagawian

“Mahirap pa rin sa akin magising nang maaga… pero sa school naman, ok naman ang pace ng learning… 2-3 subjects per day.” ani ng isang mag-aaral sa akin.

Bago ang ika-pito ng umaga, may dumadating na mga mag-aaral sa paaralan at agad na itinatala ang kanilang pagpasok sa LPSCI gamit ang IGuard Digital Logbook. Sa pagpatak ng alas syete, dapat nasa silid-aralan na sila upang abangan ang kanilang guro.

“Yung teacher kasi nagbabanggit din kung ano gagawin sa remaining hour… So kunwari 1 hour may lesson, sa isang hour wala. So gusto ng teacher imaximize ang time at gawin ang worksheet. Kapag tapos na, puwede na iturn in o sa pag-uwi na lang.” wika ng iniinterbyu ko.

May mga pagkakataon na ‘di dumarating ang guro dahil may ibang importanteng kailangang gawin kaya may sumasalo bilang kapalit. Sa kabila nito, may pagkakataon na walang pumapasok na guro. Ayon sa mga nakapanayam ko, tuwing gagawa sila ng worksheets, sariling data ang ginagamit sa halip na WiFi ng iskul dahil ito’y mahina at ginagamit na ng mga guro.

“Kahapon, (noong Biyernes) sa first hour, nakapagrelax-relax muna ako… Umikot-ikot ako sa klasrum o minsan sa labas pero ok lang naman ‘yon… In the next hour, don na ako nakapagsimula ng subjects…” tugon ng mag-aaral na nakausap ko.

Pagdating sa dami ng mga gawain, kadalasang may nababawas sa Google Classroom dahil nagiging kapalit na ito ng mga aktibidad na ginagawa nila sa loob ng silid-aralan. Isang halimbawa na lang ang asignaturang Filipino na may aktibidad silang ginawa gamit ang manila paper at naging kapalit ito ng isang Performance task nila sa isang worksheet. Ayon din sa mga nakapanayam ko, maganda ang oportunidad ng Face-to-Face dahil wala o bawas na ang kailangang gawin niya sa bahay.

Tuwing uwian naman, hinihimok ng paaralan ang mga estudyante na maghugas ng kamay bago umuwi. Ginagawa nila ito habang pinapanatili ang social distancing.

Ang Dapat Dadalhin at Damit

Face-to-Face man ang setup, hindi na ito tulad ng dati na ang klase ay mula ika-pito nang umaga hanggang ika-apat ng hapon at kada oras, may ituturo o ipagagawa ang mga guro. Maski ang mga dinadala ng mga Lapiscian mula sa ika-sampung baitang ay nagbago na rin. Kung noon, marami kang kuwadernong dala o minsan pa ay mga modyul, ngayon sapat na ang isang kuwaderno, bolpen, pitaka, alcohol, isang gadget at karagdagang face mask.

“Sa klase namin, may ibang nagdadala ng laptop. Minsan ‘don nalang ako nagnonotes kapag naiwan ko notebook ko. Shocks! Feel ko naman college na ako dito.” biro ng isang Lapiscian.

Mayroon ding mag-aaral na nagdadala ng manila paper at pad paper bilang preparasyon sa ipapagawa sa loob ng klase. Maliban pa rito, mayroon ding nagdadala ng libro na nababasa niya sa tuwing maluwag ang oras niya.

“Kung laptop naman sila, kami Lenovo tablet tapos may naka Ipad minsan...” sagot naman ng kamag-aral niya.

Nabanggit din ng nakausap ko na PE uniform na may pang ibabang jogging pants o sweat pants ang sinusuot nila sa Face-to-Face. Kung wala man daw ibang mapagpipiliang damit para umabot nang isang linggo, may mga nagsusuot na rin ng regular uniform. Naalala ko noong bumisita ako sa LPSCI noon, nagkataon na may klase rin ang Face-to-Face at karamihan sa kanila ay nakasuot ng PE uniform.

Ang Pag-engayo Para sa Pangkalahatan

Sa panayam na ito, natanong ko rin sa kanila kung mahihiyakat ba nila ang kabuuan ng ika-sampung baitang na sumama sa Face-to-Face. Sumang-ayon sila sa tanong ko at ang mga ibabahagi ko rito ay ilan sa mga sentimyento nila sa ganoong sistema ng pag-aaral.

“After ilang years, tignan mo, grade 10 na tayo… 2 years nawala tayo… halos kalahati ng JHS (ay) di natin na-fully establish ang pagiging Lapiscian. ‘Di rin natin naranasan lahat ng teachers nang face-to-face.” ani ng isa sa nakapanayam ko.

Kung isa ka sa mga mag-aaral na nakukulangan sa interaksyon ng Messenger, Zoom, at Google Meet, inaanyayahan kayo ng mga nakapanayam ko na sumama sa Face-to-Face. Maliban sa makakahanap ka ng mga bagong kaibigan, maaari mo pang makasamang mag-aral ang inyong mga kaibigan lalo na’t sa ganoong sistema, halos sabay-sabay kayo makakagawa ng mga aktibidad. Maliban na lang kung nasa linggo kayo ng online learning sa tuwing nagsasalitan ang dalawang setup.

“Sa online, may feeling na I’m left behind.” dagdag ng isang mag-aaral.

Ayon sa kanya, nakatulong ang face-to-face classes na mas maintindihan niya ang mga akademikong paksa dahil naroon ang guro at may mas maraming interaksyon sa kapwa. Sa sistema ng online naman daw, napanghihinaan siya ng loob sa tuwing nararamdaman niya na mas mabilis gumawa ang iba kumpara sa kanya. Maliban pa rito, mas gusto niya rin ang kapaligiran ng LPSCI kumpara sa kanyang tahanan. Maliban pa rito, magkakasama sila gumawa kaya mas masaya.

“There’s something amazing, and wholesome to see each other smiling, and laughing. There’s something about the connection that you experience with others.” saad ng nkausap ko.

Matapos sabihin ito, sinariwa niya ang mga pagkakataon na nagkakatuwaan ang mga Lapiscians sa tuwing may ibinabahagi sa klase kapag groupings. ‘Yung mga panahong mag-aacting sa unahan pati na ‘yung mga groupings na magsusubok sa’yo kung gaano ka kabilis gumawa at mag-isip. Natutuwa rin siya sa tuwing naiisipan nila ng kanyang mga kaibigan na magsama o kumuha ng mga larawan sa labas ng kanilang silid.

“Sa Face-to-Face, ramdam mo na hayskul ka pa… Alam ko ‘yung iba lilipat na kapag senior high school, and we still have remaining time so it’s better to spend it with our friends.” sabi ng mag-aaral ng Face-to-Face na nakapanayam ko.

Sa kabila nito, hindi lang ang nararamdaman natin ang mahalaga kaya payo ng mga Lapiscians sa Face-to-Face na kausapin at kumbinsihin ang mga magulang sa ganitong usapin. Suhestyon nila na maaaring kayong magkasundo sa pamamagitan ng pagkaroon ng mga kondisyon tulad nang pag-uwi nang maaga.

Kung may personal na rason ka man para ipagpatuloy ang pag-aaral sa online na sistema, iginagalang ko iyon. Kung sa paanong paraan mo man balak tapusin ang JHS, Las Pinas Science High will keep you eternally dahil ang mga karanasan at memoryang ibinahagi ng paaralang ito ay nakakabit na sa pagbabago at pag-unlad mo bilang tao. Mawawala man ang tawa at ingay ng mga mag-aaral, mananatili pa rin ang mga memoryang bahagi na lang ng kasaysayang nakaugat sa pakiramdam.